Ngayon lang ulit ako magsusulat sa wikang Filipino. Nakakahiya, kasi parang pangkalye lang ang Tagalog na alam ko; mas bihasa pa ako sa wikang Ingles. Siguro hindi na ito kagulat-gulat, lalo na sa henerasyon ngayon kung saan ang Ingles ay lalong binibigyan ng importansya dahil nga daw sa globalisasyon. Ang gusto ko lang naman sabihin (bago pa ako lumihis sa nais ko talagang ibahagi sa inyo) ay hindi ko na maaaring ipagpalipas pa ang pagsasanay sa panunulat sa Tagalog. Kasi naman eh. May 'Kasyon diyes ako. Hindi ...cation, kundi ...kasyon. Suma tutal, kinakailangan ko nang hasain ang sarili ko sa pagtaTagalog dahil kung hindi, napakalaki ng posibilidad na bumagsak ako sa kursong nabanggit ko kanina lang.
Pero hindi talaga 'yan ang gusto kong ibahagi! Ang gusto kong ibahagi ay tungkol sa...
Paghanga. Sa Ingles, "crush". (Tandaan, paghanga / crush lang ito, at hindi pa pag-ibig ha.)
Hindi ako madaling mapahanga. Madalas, humahanga ako kapag ang isang lalaki ay may angking talento, talino, o namumukod-tanging katangian. Kaya nga hangang hanga ako sa mga kapatid nating napakahusay tumugtog ng gitara, drums, keyboard, violin, etc. O kaya 'yung may mga angking talento sa pag-awit. O kaya 'yung mga napakatalino. O 'yung may hitsura. At aaminin ko, madalas ay pinakamadali akong napapahanga sa pisikal na aspeto pa lang.
Kaya nga matagal bago ako magkaroon ulit ng crush. Kasi, to quote my friend, "...ang taas taas ng standards..." ko. Eh kasi naman, 'yun ang turo sa'kin. Palagay ko, tama naman 'yun. Siyempre dumating ako sa puntong parang hindi na yata matutupad ang aking mga pamantayan, na parang imposible yatang makahanap ng hahangaan na Kristyano din.
(Sasabihin ko 'to sa Ingles dahil hindi ko alam kung pa'no sabihin sa Tagalog:)
Until now. Dahil humahanga ulit ako! (yay!) Eh sa gwapo siya eh. Matalino pa (sabi nila). Magaling rin tumugtog ng gitara. Mabait. At hindi lang basta-bastang Kristyano.
Pero isang linggo na ang nakalilipas mula nang una ko siyang masilayan. At kahit gaano pa ako kahibang sa kanya, hindi ko naman maaaring isantabi ang mga iba ko pang responsibilidad. Hinding hindi ko rin maaaring itaya ang aking mga paniniwala kahit na isa akong romantikong tao na nangangarap na suyuin balang araw ng lalaking mamahalin ko habambuhay.
Nakakatuwa lang, simula nang makilala ko siya, sari-saring mga tao (mga kaibigan at ka-church) ang biglang naghandog ng mga payo tungkol sa pag-ibig. May isa pa ngang nagkwento kung paano niya ipinanalangin ang lalaking ngayon ay asawa na niya. Ang nakakatuwa, hindi lahat sila ay alam ang pinagdadaanan ko ngayon. :)
Bakit ko nga isinulat ito? Isinulat ko ito dahil gusto kong ihayag ang aking mga nararamdaman kahit sa huling pagkakataon (sana). Kasabay ng pagbitiw ko ng mga salitang ito ay ang pagbitiw ko ng kahit anong pantasya na balang araw ay magiging kami. Bakit hindi, ang ilan sa inyo ay magtatanong. Posible namang magkatuluyan kami, kung iyon ang ninanais ni Lord, pero kung hindi naman, eh ako lang din naman ang masasaktan 'di ba? Kapag kasi ako nagka-crush, malalim. Kaya nga minsan napagkakamalan ko siyang pag-ibig, kahit hindi naman. Malalim ang aking mga emosyon at lumilipad na sa hinaharap ang aking utak. Oo, baliw. Eh ganun ako magka-crush eh. Hindi lang ako nagkaka-crush for the sake of kilig. Iniisip ko na ang kinabukasan... na kasama siya.
Lilinawin ko lang, hinahangaan ko pa rin siya, at patuloy na hahangaan hanggang -- siguro, hanggang mapuno ng ibang bagay ang utak ko at malimutan siya. Hinangaan ko pa rin siya, pero simula ngayon, ang lahat ay isasangguni ko na kay Lord. Lahat lahat lahat.
Ang ilan sa inyo ay natutuwa matapos itong basahin, ang ilan ay naiinis, ang iba siguro ay nag-aalala. Huwag po kayong mag-alala. Muli, isang paghanga lang po ito. Babae pa rin naman ako, na may 50% more romantic element sa kanyang pagkatao.
Bakit ko kayo ni-tag? Pananagutan. Sa Ingles, accountability. I want accountability. :) Ikakalulugod ko kapag ako ay inyong tinanong sa aspetong ito, kahit na minsan iisipin kong sana ay hindi ninyo ako pakialaman.
Mahal ko kayo. :)

No comments:
Post a Comment